Siya yata yung taong 'di patatalo sa debate.
Katulad na lang ngayong araw na 'to. Dumalaw yung dati nilang ka-opisina. Kagagaling lang kasi sa Dubai at nagdala sa kanila ng konting pasalubong.
"May opening ngayon dun sa Dubai, Pare," banggit ng balikbayang si Noel. "Kailangan namin ng tatlo pa. Gusto nyo, padala kayo ng resume sa akin pagbalik ko".
"Sigurado ba yan? Sige, pare, sama ako diyan", sabi ng ka-opisina nyang si Ding.
Di nya napigilang 'di sumabad kahit hindi sya ang kausap, "Bakit, ano ba'ng meron sa Dubai na wala sa Pilipinas?"
"Pare, syempre doon, mas makakaipon ka. Para din sa kinabukasan ng mga anak mo", sabi ni Noel.
"Nakakaipon din naman ako dito. Tsaka magkano ba naman ang diprensya ng sweldo?", sabi nyang naghahanda na sa pakikipagtalastasan.
"Ang monthly ko dun, umaabot ng 50,000", sabi ni Noel.
"O, e, ako nga dito, 55,000 na. Wala pang overtime yan", paasik nyang sabad habang bahagyang nilakasan ang bigkas sa 55,000.
"Non-tax yung sweldo sa Dubai, Brader. Neto na yung singkwenta", ani Noel.
"Ah, kahit na! Kahit na ano'ng sabihin mo, sa 'Pinas pa rin ako. Bakit? Nabubuhay ko pa naman ang pamilya ko. Atsaka bakit ako magpapa alila sa ibang lahi? Para ko na ring itinakwil ang Pilipinas kapag umalis ako at nagtrabaho sa ibang bansa!", pagtatapos nyang sabi at tumungo na ng diretso sa pwesto nya para magtrabaho.
Lihim syang natuwa dahil hindi na umimik ang kausap na balikbayan. "Panalo ako", sa loob-loob nya. "Eh ano kung dito lang ako? Akala ba nya lahat ng pinoy makukuha sa tawag ng pera? Wag nga nya akong yayabangan sa laki ng sweldo nya."
Nang gabing iyon, marahan nyang kinalabit ang asawang nagpapaypay sa tatlong anak na nagsisiksikang matulog sa papag na higaan.
"Mahal, dumalaw si Pareng Noel kanina sa opisina. May opening daw sa Dubai. Parang gusto ko nang mag-apply".
"Matulog na tayo, Mahal. Bukas natin pag-usapan 'yan at gabi na. Oo nga pala, kumatok na naman si Tita Letty kanina. Dalawang buwan na tayong delayed sa renta".
Tumayo sya at kinapa ang switch ng ilaw.