ito ang lugar na magsisilbing tambayan ng aking mga maikling kwento, sanaysay, at sari-saring artikulong sadyang maiksi ang pagkakagawa at perpektong basahin kasabay ng paghigop sa mainit na kape.

Monday, October 13, 2008

Sa Veranda

Kahit papaano'y inihanda na nya ang sarili na tatanda siyang dalaga. At dahil ito sa Tatay nya. Aywan ba nya kung dapat syang magtanim ng galit dito. Pero sa tuwina'y parang lagi na lamang itong balakid sa isyung pag-ibig ng buhay nya.

Tandang-tanda pa nya noong 3rd year college sya. First-time nyang magpatuloy ng manliligaw sa bahay. Hindi pa halos nakakaupo ang binata ay tila mauupos na itong parang kandila sa takot sa Tatay nya.

"Ilang taon ka na ba Hijo? Nagtatrabaho ka na ba? Alam mo bang noong panahon namin ay kahihiyan kung manliligaw kami na hindi namin kayang pakainin ng tatlong beses isang araw ang babaeng napupusuan namin?"

At bilang pagwawakas, "Bumalik ka na lang ulit, hijo, kapag gradweyt ka na at kaya mo nang buhayin ang anak ko."

Masamang-masama ang loob nya sa kanyang Tatay noon. Hiyang-hiya rin sya sa manliligaw.

Maliban sa pagiging masungit sa mga nanliligaw sa kanya, wala naman syang natatandaang anumang pangit pang ugali ng ama. Alam nya ang hirap na dinanas nito mapagtapos lang sya sa kolehiyo. Undergraduate ang Tatay nya pero nagsikap na magtrabaho alang-alang sa pag-aaral nya at para matustusan ang pang-araw araw nilang pangangailangan. Wala rin itong bisyo. Bihirang bihirang tumikhim ito ng alak. Kung may isa itong masasabing bisyo, ito ang madalas na pag-inom ng kape.

Minsang may isang binatang naglakas-loob na dumalaw, halos naka-dalawampung minuto pa lang sa pagkakaupo ay nagparamdam na ang Tatay nya.

"Wala ka bang pasok bukas, binata?", bungad ng Tatay nya.

"Naku wala po," sabi ng manliligaw. "Pa extra extra ako diyan sa pagpasada ng jeep. Eh mukhang maulan bukas kaya nakakatamad hong mamasada."

"Eh mabuti pa ikaw at walang pasok. Alam mo bang iyang si Emily ko eh gigising pa ng maaga bukas? Me pasok pa kasi yan sa trabaho eh. Kaawa awa naman kung mahuli sa pagpasok.", medyo pa sarkastikong tugon ng ama. "Atsaka medyo gumagabi na, wari ba'y gusto na rin naming matulog. Hindi ba, Emily?"

Hindi na nya hinintay ang anupamang sasabihin ng ama at hinila na ang manliligaw palabas ng bakuran.

Kapag balik nya sa bahay ay gusto nyang mainis sa sinabi ng ama. "Mag-init ka nga ng tubig Emily, at ipagtimpla mo ako ng kape."

"Akala ko ba'y matutulog na kayo?," halos pa dabog nyang sabi. Salamat na lang at sinenyasan sya ng ina para huwag nang magpakita ng inis sa ama.

Ito ang dahilan kung bakit hindi nya mapatuloy sa bahay si Ed, ang kaopisinang kasintahan na nya ng may limang buwan.

"Hindi mo kasi kilala ang Tatay ko, eh" sabi nya nang muling igiit ni Ed na gusto na nitong makilala ang mga magulang nya.

"Eh, pa'no? Akala ko ba gusto mo na ring makasal tayo?" sabi ni Ed. "Kailangang makilala na rin ako ng mga magulang mo para naman maipakita kong tapat ako sa hangarin ko sa'yo."

"Ed, baka kasi..."

"Emily, hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan"

"Sige, sa linggo ng gabi...."

Dalawang gabi rin syang hindi halos makatulog habang iniisip ang mangyayari sa Linggo. Inihanda na nya ang sarili sa anumang sasabihin ng ama.

Dumating si Ed na may dalang bulaklak para sa kanya at para sa Nanay nya. Matapos maiabot ang mga bulaklak ay magalang itong nagpakilala sa kanyang mga magulang. At binanggit ang malinis na hangarin nito sa pagdalaw sa anak nila.

"Emily," banggit ng Tatay nya. "Mag-init ka, anak, ng tubig at ipagtimpla mo kami nitong si Ed ng kape."

"Halika doon sa veranda, binata. Doon kata maghintay kay Emily. Malamig ang hangin, tamang-tama sa mainit na kape".


No comments:

Mga Reaksiyon

Kung Tabloid ang Over a Cup of Coffee, Ito naman ang Broadsheet ni Hector:

About Me

sa anumang tanong, suhestiyon at reaksiyon, maaaring mag-email kay hector sa address na ito: hector_olympus@yahoo.com

Mga Nakihigop ng Kape