ito ang lugar na magsisilbing tambayan ng aking mga maikling kwento, sanaysay, at sari-saring artikulong sadyang maiksi ang pagkakagawa at perpektong basahin kasabay ng paghigop sa mainit na kape.

Sunday, September 28, 2008

Dirty Finger

"Ser, ser! Si Dyunyor, nag- Dirti Fenger!", bulalas ni Inday.

"Tawagin mo nga rito yang batang yan!", sabi ng amo habang kinakapa ang tsinelas.

Ihahataw na sana ng amo ni Inday ang tsinelas nang makita nyang puno nang putik ang hinlalaki ni Junior.




Thursday, September 25, 2008

Super Excited

"This is it!", sabi nya sa sarili. Di nya mapigilang mapangiti habang inaalala ang sabi ng manager nya.

"You're selected by our big bosses to represent our Company in an International Sales Conference on September 27, 2008 at Dusit Hotel. It will run from 8:00 am to 6:00 pm. Don't be late. Bihira ang pinapadala ng company sa ganoong Conference. Remember, you are carrying the name of our Company... so make us proud, Allan. "

Hanggang pagbalik nya sa work area nya ay naririnig nya ang alingawngaw ng tinig, "Make us proud, Allan".

Maaga syang umuwi ng araw na iyon. Dadaan sya sa SM. Bibili sya ng Long Sleeves at bagong pantalon. Kailangang bago ang suot. "Make us proud, Allan. Make us proud."

Halos di sya makatulog pagdating ng Huwebes. Excited. Mali. Super excited ang tamang salita sa nararamdaman nya. Alam nya kasing bihira talaga ang ipinapadala ng company sa ganoong Conference. At yung mga iilang naipapadala, sila ang kadalasang naipo-promote ng kumpanya.

"Make us proud, Allan." Parang musika sa tengang patuloy nyang naririnig hanggang sa makatulugan nya. "Make us proud."

Napabalikwas sya nang marinig ang tunog ng alarm clock. 5:30 na ng umaga.

Ni hindi na nya nagalaw ang inihandang almusal ng nanay nya. Patakbo na syang humangos palabas ng pinto matapos ang ilang higop ng kape.

Kailangang naka-taxi para mabilis ang byahe. Kunsabagay ay maaga pa naman.

"Make us proud, Allan", musikang paulit ulit na kumikiliti sa tenga nya.

Saktong 7:30 ng dumating sya sa hotel. Mainam nang maaga kaysa huli. Dagdag pogi points sa mga ka meeting nya kung maaga syang darating. Pagpasok nya sa main entrance ng hotel ay masuyo nyang binati ang magandang receptionist sa Front Desk.

"Good morning", aniya.

"Good morning, sir, saan po sila?", sabi ng receptionist.

"Ahm, I'm going to attend the International Sales Conference. I'd like to know kung saan ang Function Room."

"Naku sir, hindi pa po pwedeng pumunta doon".

"What do you mean? Miss, I need to go there now coz i'm going to be late for the meeting. 8:00 am ang start and it's already 7:45".

"Eh, sir...... September 27 po ang Conference. September 26 pa lang po ngayon".

Para syang binuhusan ng malamig na tubig.










Wednesday, September 24, 2008

Pangarap

Tinanong nya ang batang pamangkin kung ano ang gusto nitong maging paglaki.

"Gusto ko pong maging doktor".



"Bakit?", aniya.

"Gusto ko pong manggamot ng mga batang maysakit".

Makalipas ang isang taon, sa di malamang kadahilanan ay dinapuan ng kanser ang bata.

At sa loob ng apat na buwan ay tuluyan na itong sumakabilang-buhay kapiling ng Diyos sa kalangitan.

At hindi na naabot ng bata ang kanyang pangarap.

++++++++++
in memory of the beloved child whom the author loves so much. someday, somehow, when the Lord wills, a foundation in the name of that beloved child will be built to support sick children, esp. those who have cancer ailments.
then, and only then, will the dream of that child be fulfilled.
when the Lord wills.
in His time.
in His season.
++++++++++

Monday, September 22, 2008

1 Message Received




Usong uso sa text messaging yung pinapahikli ang mga salita.

Pero dun sa isang text na na receive ko kamakailan lang, talagang sumakit ang ulo ko at naubusan ako ng hininga.

-Titah, san n dw poh kayoh? Punta dw poh bah kyoh d2? si Pao poh itoh-

Tuesday, September 16, 2008

No U-turn

"Lisensya", paasik na sabi ng enforcer.

"Boss, pasensya na, ngayon lang ako nadaan dito. Tsaka kita mo naman boss yung No U-turn sign oh, natatakpan ng mga dahon ng puno."

"Lisensya, akina na't naaabala mga pasahero mo pag nagdiskusyon pa tayo. Hirap sa inyo, gustong gusto nyong baliin ang batas, pag nahuli kayo, para kayong maamong tupa."

"Boss, pasensya na talaga", sabay abot nya ng lisensya.

"Niloloko mo ba ko?!", bwelta ng enforcer. "Ano 'tong nakaipit na'to?!!!"

"Boss, pangmerienda para di na tayo pareho maabala dito. Kawawa mga pasahero, oh."

"Itabi mo 'tong jeep at sundan mo ko dun sa lilim! Akala mo ba maloloko mo ko sa singkwenta mo?"

Sa lilim ng mga dahong nakatakip sa No U-turn sign, "Dagdagan mo pa 'tong singkwenta ng isangdaan para abswelto ka na".

"Boss, kapapasada ko lang, treinta na lang tong nasa bulsa ko. Pasensya na talaga, boss".

"Sige na, sige na! Akina pa yang treinta mo diyan para makapasada ka na. Inip na mga pasahero mo".






Monday, September 15, 2008

Engagement Ring

"Tutuloy ka pa ba, anak?", tanong ni Aling Pining sa kanya.

"Nay, naman, ulan lang yan. Tsaka di mo naman malaman ang panahon ngayon. Makulimlim pero di naman uulan. Maaraw ngayon, mamaya, uulan. Tsaka sandali lang naman ako dun, nay. Ihahatid din ako dito ni Jigs mamaya pauwi."

Di pwedeng hindi sya pumunta. Aba, bihirang bihirang magyaya ng date si Jigs. At sa restaurant pa. Ano kaya'ng meron? Baka kaya yayayain na syang magpakasal. 2 years na rin sila, at totoo nga yata ang kasabihang "First Love Never Dies", dahil first love nya talaga ang binata.

Naunahan pa nya si Jigs sa restaurant. Pero ayos lang, dahil excited sya at hindi mapakali sa kakaisip kung magpo propose na ito ng kasal. Pa'no kaya? Luluhod si Jigs sa harap nya at ilalabas ang kahita ng singsing? Ano'ng gagawin nya? Iiyak? Magugulat kunyari? Sisigaw o ngingiti ng pagkatamis-tamis?

At dumating na nga si Jigs. Umupo sa harap nya ang gwapong gwapong boyfriend.

Medyo napapitlag sya nang masuyong ipatong ni Jigs ang kamay nito sa kamay nya sa ibabaw ng mesa. Para syang mahihimatay nang tumitig sa kanya ang malamlam nitong mga mata.

"Jena, i'm gonna tell you something", at mabagal na ipinamulsa ni Jigs ang kaliwang kamay sa pantalon at halatang may dinudukot doon.

"Eto na", sa loob-loob ni Jena. Para syang maiihi sa kakahintay ng katagang 'will you marry me?'

"Jena, we can't be together anymore. Nagkikita kami ulit nung dati kong girlfriend. She's 3 months pregnant. Jena, I hope you understand..... sorry", bulalas ni Jigs sabay angat ng kaliwang kamay mula sa bulsa na may hawak na panyong pamahid sa namumuong mga pawis sa noo.

At bumuhos ang kanina pa nakapondong malakas na ulan.






Sunday, September 14, 2008

Trigger-happy

Estudyante si Jayson, 7 years old, sa isang Preparatory School na pag-aari ng isang Pastor, kung saan si Pastor ay teacher din sa nasabing eskwelahan.

Sabi ni Jayson sa Tatay na pulis- "Daddy! Barilin kaya natin si Pastor. Laging sumisigaw, eh!!!"

Thursday, September 11, 2008

Karangalan

hindi maintindihan ng kahit na sino sa silid-aralang ito ang tunay na dinaramdam ng kalooban mo ngayon. ang alam mo lang, pagkatapos na pagkatapos ng klase ay ni hindi mo sila papansinin. at didiretso ka sa bahay ng walang paa-paalam sa mga barkada mong umaasang makakasabay ka nila sa pag-uwi.

balisa kang tumitingin sa relo at naghihintay ng 4:00-uwian. walang kailangang masayang na oras.

3:38

tik.tak.

3:45

tik.tak.

3:59

rrrrrrinnnnnnnngggggggg...............

dali-dali mong hinablot ang bag at nagmamadaling tinungo ang pinto. at ni hindi mo nilingon ang best friend mong takang-taka sa kakaibang ikinikilos at ipinipinta ng mukha mong karaniwang kalmado at kaaya-aya. walang kailangang masayang na oras sapagkat ang bawat sandali ay katumbas ng karangalang kaytagal mong iniingatan.

ni hindi pa man nakakaparada ng maayos ang jeep na sinasakyan mo'y dali-dali ka nang lumundag sa pababa at tinalunton ng mabilis ang daan patungo sa inyong tahanan.

walang kailangang masayang na oras sapagkat kailangan mong makarating sa tamang panahon.

gayunma't may bahid ng pagtataka ay pilit pa ring pinakawalan ng mahal mong ina ang isang ngiti upang salubungin ka,

"ang aga mo yata ngayon, anak..."

"paran diyan!!!!", ang sambit mong ni hindi pinansin ang ngiting-bati ng ina.










at halos pabalibag mong ipininid ang pinto ng kubeta.














Wednesday, September 10, 2008

Si Maria Mahinhin

Kayraming nagsasabing tatandang dalaga si Maria Mahinhin.

Sobrang yumi at ni hindi makabasag-pinggan. Laging nakatungo at sobrang mahiyain si Maria Mahinhin.

Maging mga kalalakiha'y hindi makalapit sa sobrang hinhin ni Maria Mahinhin.

Ngunit isang araw, nagbunyi ang lahat sa balitang narinig. Ikakasal na raw si Maria Mahinhin.

"Mapalad si Tonying!" ang sigaw ng madla. Dahil nasungkit nya si Maria Mahinhin.

At idinaos na nga ang kasal ni Tonying at ni Maria Mahinhin.

Makalipas ang pitong buwan, nagsilang ng sanggol si Maria Mahinhin.

Ay, ay, ay. Sobrang hinhin ni Maria Mahinhin.










Bilanggo


Pinilit ko sa sarili ko na hinding hindi na.

Hinding hindi na.

Sapat na ang mahigit dalawampung taong pinangilagan kita at ituring ang sarili kong bilanggo sa rehas ng pag-iisip sa'yo.

Hinding hindi na.

At kanina-kaninang bago pa man ako humimlay ay muli kong ipininid ang mga pinto at bintana upang masiguradong hindi mo na ako gagambalain magpakailanpaman.

Ngunit sadya kang mapusok at mapagbiro.

Muli kong nabanaag ang katawang iyon na hindi ko maipagkakailang iyo.

Iyong-iyo.

Sa pagmulat ng aking mga mata'y nabanaag kong unti-unti kang lumalapit sa akin.

Palapit ng palapit.

At dahan-dahan kong iginalaw ang aking kamay upang kapain sa karimlan ang sandatang iyon na sadya kong inihanda para sayo... habang wala kang kamalay-malay na unti-unting lumalapit sa mura kong katawan.

Palapit. Palapit ng palapit.

Ngayon na!






PLAK!!!!!

At sumambulat ang katawan mo sa palo ng tsinelas ko.



Bwisit kang ipis ka.










Monday, September 8, 2008

Nagdadalaga

"Nay, penge akong 300", malambing na sabi nya sa Nanay nyang kapapanalo lang ng 2,000 sa jueteng.

Tingin nya, sapat na yung 300 para mabili yung bestidang ilang araw na rin nyang pinagpapantasyahang bilhin sa patahian ni Ate Lusing.

Ilang linggo na nang maulinigan nya ang sinabi ng kanyang crush na si Sherwin sa barkada nito. "Pare", ani Sherwin, "ang tipo ko sa babae, yung medyo makaluma. Yun bang laging nakabestida. Babaeng babae ang dating".



"O, aanhin mo naman ang 300?" sabi ng Nanay nya.

"May nakita kong bestida dun, Nay, ke Ate Lusing, ang ganda ganda, bulaklakin."

"O, e aanhin mo ang bestida, aber?!", singhal ng Nanay nyang nanlalaki na ang mga mata.

"Nay...., eh, yung crush ko, ang tipo nya daw, eh, yung medyo makaluma. Yung tipong laging nakabestida, ganun".

"Aba't! Tumigil ka na sa ilusyon mo, ha?!!!", muling singhal ng Nanay nya.

"Nay naman, hindi na po ako bata. At saka, natural lang naman sa kahit kanino ang ma-inlab, di ba, Nay? Nay, magdidisiotso na po ako sa isang buwan, Nay. Di na po ako nene."

"Talagang di ka na nene! At kung ayaw mong masaktan, tigilan mo na yang kaka ilusyon mo, dahil kahit kelan eh hindi ka magiging dalaga, Efren!!!!"









Sunday, September 7, 2008

Charity




Saktong paghinto ng jeep sa pagpula ng ilaw ng stoplight, umakyat sa loob ang isang batang gusgusing may hawak na lumang trapo.

Inumpisahang punasan ng bata ang sapatos nya. Pagkatapos ay lumipat sa kasunod na mga pasahero at isa-isang pinunasan ang mga sapatos ng dala nitong basahan.

Awang awa sya habang pinagmamasdan ang bata. Pilit iniisip kung bakit may mga magulang na hinahayaang mamalimos ang mga batang ni wala pang muwang sa mundo.

Dala ng habag, sumandali nyang inilapag ang hawak na cellphone sa ibabaw ng mga hita upang makadukot ng barya sa bulsa habang nakatanghod sa kanya ang kawawang bata.

Saktong sa pagpalit ng kulay ng stoplight ay mabilis ding hinablot ng batang gusgusin ang cellphone sabay tumalon pagbaba ng jeep at walang lingon-likod na kumaripas ng takbo.







Saturday, September 6, 2008

Two Weeks

Lunes:

"2 weeks na 'to eh. Kinakabahan ako kasi eversince, eh, regular ako. Ngayon lang nagkaganito."

"Wala yan. baka nga delayed lang. Gusto mo, pacheck-up ka. Para hindi yang para kang tangang kakaba-kaba diyan. Baka natatakot ka sa hindi naman dapat katakutan."

"Kaw kasi, eh! Pilit ka ng pilit!"

"O? Pareho naman nating ginusto, ah. Tsaka kasalanan ko bang umalis lahat ng tao sa bahay nyo at tayong dalawa lang ang naiwan?"

"Pa'no pag buntis ako? Lintik tayong dalawa ke Daddy."

"Kaya nga magpa check-up. Sige, pag wala pa hanggang Biyernes, lakad tayo sa Sabado. Samahan kita sa clinic."

"Sige na, gagamitin ni utol 'tong telepono. Text na lang tayo."



Miyerkules.

"Hello, ikaw na yan?"

"O, ano balita?"

"May good news ako sa'yo. Dumating na yung period ko kaninang tanghali. Grabe, walanghiya ka, dalawang linggo mo 'kong pinakaba, ah."

"Kitam! Sabi sa'yo, eh. Masyado kang matatakutin."

"Malay ko ba! Ikaw rin naman eh, halata sa boses mo, kinabahan ka rin."

"Syempre kaya. Ano'ng ipapakain ko diyan kung nagkataon?"

"Uhm... me gagawin ka Sabado?"

"Wala naman. Bakit?"

"Punta ka dito sa bahay sa Sabado ng hapon...... walang tao dito, tayo lang."










Mga Reaksiyon

Kung Tabloid ang Over a Cup of Coffee, Ito naman ang Broadsheet ni Hector:

About Me

sa anumang tanong, suhestiyon at reaksiyon, maaaring mag-email kay hector sa address na ito: hector_olympus@yahoo.com

Mga Nakihigop ng Kape