balisa kang tumitingin sa relo at naghihintay ng 4:00-uwian. walang kailangang masayang na oras.
3:38
tik.tak.
3:45
tik.tak.
3:59
rrrrrrinnnnnnnngggggggg...............
dali-dali mong hinablot ang bag at nagmamadaling tinungo ang pinto. at ni hindi mo nilingon ang best friend mong takang-taka sa kakaibang ikinikilos at ipinipinta ng mukha mong karaniwang kalmado at kaaya-aya. walang kailangang masayang na oras sapagkat ang bawat sandali ay katumbas ng karangalang kaytagal mong iniingatan.
ni hindi pa man nakakaparada ng maayos ang jeep na sinasakyan mo'y dali-dali ka nang lumundag sa pababa at tinalunton ng mabilis ang daan patungo sa inyong tahanan.
walang kailangang masayang na oras sapagkat kailangan mong makarating sa tamang panahon.
gayunma't may bahid ng pagtataka ay pilit pa ring pinakawalan ng mahal mong ina ang isang ngiti upang salubungin ka,
"ang aga mo yata ngayon, anak..."
"paran diyan!!!!", ang sambit mong ni hindi pinansin ang ngiting-bati ng ina.
at halos pabalibag mong ipininid ang pinto ng kubeta.
No comments:
Post a Comment